Salah, ang limang itinakdang pang-araw-araw na ritwal na mga panalangin, ay ang pangalawang haligi ng Islam. Inilarawan ito ni Propeta Muhammad (SAWS) bilang pangunahin at pinaka-mahalagang bagay sa Islam.
May iba’t-ibang uri ng Salah, ang itinakdang ritwal na mga panalangin, ang ilan ay obligado, habang ang iba ay inirerekomenda o partikular sa ilang mga pangyayari o kalagayan. Ang Salah ay binubuo ng mga pagkilos tulad ng pagtayo, pagyuko at pagpapatirapa. Ito rin ay binubuo ng mga pagsusumamo, pasalitang mga panalangin na pinupuri ang Allah at ang pagbigkas ng mga talata ng Qur’an.
Ang isa sa kabanata ng Qur’an ay isang mahalagang bahagi ng pagdarasal (Salah), at ito ang ‘Pambungad na Kabanata’ (ang Surah Al-Fatiha). Ipinabatid sa atin ni Propeta Muhammad (SAWS) na dapat isama sa pagdarasal ang pagbigkas ng Pambungad na Kabanata sa bawat yunit ng panalangin. Ang kabanatang ito ay isang bahagi ng Qur’an kung saan dapat binibigkas ng tuloy-tuloy sa bawat yunit (Raka’ah) ng bawat panalangin. Ang pagbigkas ng iba pang mga talata at mga kabanata ng Qur’an habang nagdarasal ay opsyunal o hindi obligado.
Inilarawan ni Propeta Muhammad (SAWS) ang Pambungad na Kabanata bilang “Ang pitong madalas na paulit-ulit na mga taludtod.” Ang pag-uulit ay nangyayari ng maraming beses sa isang araw sa itinakdang ritwal na mga panalangin pati na rin sa anumang hindi obligado o boluntayo. Samakatuwid, sa pinakamababa, kung isasaalang-alang natin ang obligadong pang-araw-araw na panalangin sa buhay ng isang Muslim, ay malalaman natin na ang kabanatang ito ay binibigkas ng labing-pitong beses sa isang araw, sa araw-araw. Sa pagdaragdag ng boluntaryong panalangin na ginagawa ng isang tao, ang bilang na iyon ay maaaring maging doble araw-araw. Dapat nitong ipakita ang kahalagahan ng Pambungad na Kabanata sa panalangin.
Ang Pambungad na Kabanata ay ang unang kabanata ng Qur’an na pinagtutuunan ng pansin ng mga Muslim sa kanilang paglalakbay sa pag-aaral at pagsasaulo ng Quran. Ang mga Muslim ay hinihikayat munang simulan ang pag-aaral ng Qur’an sa kabanatang ito. Ang isang bagong Muslim ay isang baguhan sa pag-aaral at maaaring kumuha ng ilang ideya mula sa iba pang mga baguhan sa komunidad ng Muslim. Sa mga Muslim na sambahayan, ang mga maliliit na bata ay madalas na kabisaduhin ang kabanatang ito bago nila mahusay na basahin ang Qur’an mula sa isang uri ng libro. Madalas nila itong matutunan nang pasalita sa pamamagitan ng pakikinig sa binabasa ng kanilang mga magulang o mga guro.
Ang mga maliliit na bata ay hinihikayat na simulan ang pag-aaral at pagsasanay sa pagdarasal mula sa edad na pito, at samakatuwid ang Pambungad na Kabanata ay isang malaking bahagi ng proseso ng pag-aaral na ito. Ang itinakdang ritwal na panalangin, ang Salah, ay gumaganap ng isang pangunahin at pinakamahalagang papel sa buhay ng isang Muslim, at ang Pambungad na Kabanata ay gayundin. Ito ay isang kumpletong panalangin na kinabibilangan ng kahilingan na magabayan sa katotohanan at manatiling matatag sa tunay na patnubay nang hindi naliligaw o sumasalungat sa katotohanan.
Ang kumbinasyon ng mahalagang kabanata na ito na patuloy na binibigkas sa pinakamahalagang gawain ng pagsamba sa Islam ay isang dahilan ng pagninilay at pagmumuni-muni. Kapwa ang pagdarasal at ang Fatiha ay tumutulong sa isang tao na makamit ang kanilang layunin sa pagsamba sa Allah at pagpapasakop sa Kanya.