Ang biyaya ay isa sa mga pinakadakilang katangian ng Allah. Ang pagpapala ay binanggit ng isandaang beses sa Qur’an sa iba’t-ibang mga paraan, mula sa mga pangalan ng Allah, kapatawaran ng Allah, biyaya ng Allah sa lahat ng Kanyang mga nilikha at partikular sa mga mananampalataya, ang kasaysayan ng biyaya ng Allah at mga panalangin at mga pagsusumamo para sa Biyaya ng Allah. Sinabi ni Propeta Muhammad (SAWS), “Hinati ng Allah ang Kanyang Biyaya sa isandaang bahagi. Ang isang bahagi ay ipinadala sa daigdig, at dahil dito ang lahat ng mga nilalang ay nagpapakita ng pagpapala, maging ang mandaragit sa kanyang anak. Sa Araw ng Paghuhukom, ang isang bahagi na ito ay isasama sa iba pang siyamnapu’t siyam.” Ang isandaang mga bahagi ng Biyaya ng Allah sa Araw ng Paghuhukom ay para sa mga mananampalataya.
Gustung-gusto ng Allah na magbigay ng Biyaya. Sinabi ng Allah sa Qur’an, “Hindi ba nila nalalaman na ang Allah ang Siyang tumatanggap ng pagsisisi mula sa Kanyang mga alipin at tumatanggap ng kawang-gawa; na ang Allah ang Siyang Tanging nagpapatawad [at tumatanggap ng pagsisisi], Maawain.” [9:104] Sinabi din Niya, “Sabihin mo: ‘O aking mga alipin na nagmalabis [Ssa paggawa ng mga kasalanan] laban sa kanilang mga sarili, huwag kayong mawalan ng pag-asa mula sa habag ng Allah. Katotohanan, pinatatawad ng Allah ang lahat ng kasalanan. Katiyakan Siya ang Lagi ng Mapagpatawad, ang Maawain.” [39:53]
Sinabi sa atin ni Propeta Muhammad (SAWS) kung paano nagpapatawad ang Allah kahit sa mga madalas magkasala, marahil kahit na ang parehong pagkakasala bawat oras, hangga’t sila ay patuloy na taos-pusong nagsisisi sa Allah. Kanyang sinabi, “Isang tao ang nakagawa ng kasalanan, pagkatapos ay nagsabi, ‘O aking Nag-iisang Panginoon, patawarin mo ang aking kasalanan ,’ kaya’t sinabi ng Allah, ‘Ang Aking alipin ay nagkasala, pagkatapos ay kanyang napagtanto na siya ay may Nag-iisang Panginoon na nagpapatawad at maaari siyang parusahan dahil dito. Pagkatapos ay inulit ng lalaki ang kasalanan, pagkatapos ay sinabi, ‘O aking Nag-iisang Panginoon, patawarin ang aking kasalanan.’ Sinabi ng Allah, ‘ Ang Aking alipin ay nagkasala, at pagkatapos ay kanyang napagtanto na siya ay may Nag-iisang Panginoon na nagpapatawad ng mga kasalanan at maaaring parusahan para dito.
Inulit ng lalaki ang kasalanan (pangatlong beses), pagkatapos ay kanyang sinabi, ‘O aking Panginoon, patawarin ang aking kasalanan,’ at sinabi ng Allah, ang Aking alipin ay nagkasala, pagkatapos ay kanyang napagtanto na siya ay may Nag-iisang Panginoon na nagpapatawad ng mga kasalanan at maaari siyang parusahan dahil dito. Gawin mo ang iyong nais, (basta’t aminin mo ang iyong kasalanan at pagsisihan mo ito), dahil ikaw ay Aking pinatawad.
Ginawang madali ng Allah ang paghingi ng kapatawaran at magsisi. Ang mabubuting gawa ay nagpapawi sa masasamang gawa. Halimbawa, ang ritwal na paghuhugas (wudhu) ay nagpapawi ng mga kasalanan. Sinabi ni Propeta Muhammad (SAWS), “Kapag hinugasan ng isang alipin ang kanyang mukha, bawat kasalanan na nakita ng kanyang mga mata ay mahuhugasan ng huling patak ng tubig; kapag hinugasan niya ang kanyang mga kamay, bawat kasalanan na kanilang nagawa ay mahuhugasan ng huling patak ng tubig; at kapag hinugasan niya ang kanyang mga paa, bawat kasalanan na pinuntahan ng kanyang mga paa ay mahuhugasan ng huling patak ng tubig. Kaya siya ay lalabas na dalisay o malinis sa lahat ng mga kasalanan.”
Gawin mo ang iyong nais, (basta’t aminin mo ang iyong kasalanan at pagsisihan mo ito), dahil ikaw ay Aking pinatawad.
Gayunpaman ay sinabi sa atin ng Allah, na huwag antalahin ang pagsisisi, “At hindi [maituturing na] nagsisisi yaong mga [taong patuloy na] gumagawa ng mga kasamaan hanggang kapag ang isa sa kanila ay abutan ng kamatayan, siya ay magsasabing: ‘Katotohanan ako ay nagsisisi na ngayon,” at [hindi rin maituturing na nagsisisi] yaong mga [taong] namatay habang sila ay mga di-naniniwala. Sa kanila ay Aming inihanda ang isang masakit na parusa.” [4:18]
Ang isa sa mga pinakadakilang panalangin para sa paghingi ng kapatawaran ay, “O Allah, Ikaw ang aking Nag-iisang Panginoon. Walang ibang tunay na diyos maliban sa Iyo. Nilikha mo ako at ako ay iyong alipin, sinusunod ang Iyong tipan at Iyong pangako sa abot ng aking makakaya. Ako ay nagpapakupkop sa Iyo mula sa kasamaan na aking ginawa. Nagpapasalamat ako sa harap Mo sa mga biyayang ipinagkaloob Mo sa akin at inaamin ko sa Iyo ang aking mga kasalanan. Kaya’t patawarin Mo ako, dahil tiyak, walang sinuman ang makapagpapatawad ng mga kasalanan maliban sa Iyo.
Ang biyaya ng Allah ay umaabot lalo na sa mga mananampalataya, hangga’t patuloy nilang sinasamba ang Allah ng nag-iisa at ginagawa ang kanilang makakaya upang sundin Siya at sundan ang halimbawa ni Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala ng Allah).