Ang pagpapahayag ng pananampalataya sa Islam ay isang kasunduan sa Allah na binubuo ng dalawangbahagi. Ang una ay ang patotoo at pangako na sasambahin at paglilingkuran ang Nag-iisang Tunay na Panginoon lamang ng walang anumang katambal sa Kanyang eksklusibong karapatan, at ang pangalawa ay ang gawin lamang ang mga tuntunin at mga kondisyon sa pamamagitan ng buhay na halimbawa ni Propeta Muhammad (SAWS), ang huling Sugo ng Allah sa sangkatauhan. Ang namumuhay sa pahayag na ito ng pananampalataya at pagsasabuhay nito ang tanging daan tungo sa kaligtasan.
Silipin natin saglit ang paksang ito…
Sa Islam tayo ay naniniwala na nilikha ng Allah ang mga tao na may layuning makilala Siya (ang Allah) ng maayos at magkaroon ng ugnayan sa Kanya batay sa tunay na Pagmamahal at Paggalang. Ang resulta ng relasyong ito ay pagmamahal, paglilingkod, pagsamba at Pasasalamat. Upang malaman ng mga tao ang tungkol sa Allah, ay nagpadala Siya ng mga taong Sugo upang ituro ang parehong mensahe sa buong panahon. Ang mensaheng ito ay ang “Sumamba at sumunod sa Allah at sundin ang Kanyang Sugo”. Ang mensahe na ito ay ang Islam at ang mga Sugo ay ang mga huwarang Muslim sa buong panahon. Bumuo sila ng mga pamayanang Muslim sa kani-kanilang ministeryo.
Ang Layunin ng Ipinadalang Banal na Sugo
Ang Nag-iisang Tunay na Panginoon ay nagpadala ng mga Sugong tao sa buong kasaysayan upang maayos na ipakilala ang Kanyang Sarili sa sangkatauhan. Ang mga Sugo ay inatasang ipakita sa mga tao ang tamang daan tungo sa Allah at upang maging halimbawa kung paano mamuhay ayon sa layunin ng kanilang pagkalikha sa paraang makalulugod sa Allah.
“Ang Allah ay laging nagpapadala ng mga Sugo na nagsasalita ng wika ng sarili nilang mga tao upang maging malinaw ang mga bagay sa kanila”. [14:4] Itinuro ng dakilang mga taong ito kung sino talaga ang Allah at kung ano ang Kanyang eksklusibong mga karapatan at kung ano ang nararapat sa Kanya.
Nilinaw nila na dapat nating makilala ang Allah ng mahusay, mahalin Siya at igalang, magpasalamat sa Kanya at paglingkuran lamang Siya ng buong katapatan sa Kanyang mga alituntunin at mga kondisyon. “Nagpadala kami ng isang Sugo sa bawat pamayanan na nagsasabi, ‘maglingkod at sumunod sa Nag-iisang Tunay na Panginoon at iwasan ang mga huwad na Diyos.” [16:36] Ang mga Sugo ng Allah ay ang mga huwarang halimbawa pagkatapos ay sinisikap nating tularan sa ating buhay.
Ang Banal Na Kasulatan At Ang Mga Sugo
Ipinadala rin ng Allah ang mga Banal na Kasulatan sa mga Sugong ito at inatasan ang mga Sugo ng tungkulin na isabuhay ang Banal na Kasulatan at ipaliwanag ito sa pamamagitan ng kanilang mga gawain at mga pahayag. Ang Allah ay nagpadala ng iba’t-ibang Banal na Kasulatan sa buong kasaysayan ng sangkatauhan. Ang Qur’an ang huling Banal na Kasulatan. Mahalaga na mapagtanto na hindi pinadala ng Allah ang banal na kasulatan ng hindi muna nagpapadala ng Sugo. Ang mga Sugo ay may pinakamagandang reputasyon sa kanilang mga nasasakupan bago pa man makatanggap ng rebelasyon mula sa Allah. Matapos mahirang na magdala ng mensahe sila rin ay inatasan na ipaliwanag ang banal na kasulatan at pagbibigay kahulugan nito sa pamamagitan ng kanilang mga salita at mga gawa. Ito ang buhay na halimbawa ng mga Sugo.
Ang Mga Halimbawa Ni Propeta Muhammad (SAWS)
Si Propeta Muhammad (SAWS) ang huling Sugo na Pinili ng Allah. Sa ilang bilang ng mga talata sa Banal na Qur’an, ay inutusan tayo ng Allah na sundin si Propeta Muhammad (SAWS) bilang isang kinatawan na tagapamahala na hinirang ng Allah. “Sabihin, ‘Sundin ang Allah at ang Sugo’.” [3:32] “O kayong mga naniniwala, sundin ang Allah at ang Sugo.” [4:59]
Ipinag-utos pa sa atin ng Allah na tanggapin si Propeta Muhammad (SAWS) bilang isang tunay na huwaran at halimbawa, “Ang Sugo ng Allah ay isang napakahusay na huwaran para sa inyo na umaasa sa Allah at sa Huling Araw at binabanggit at inaalala ang Allah ng madalas.” [33:21]
Si Propeta Muhammad (SAWS) ay Hindi isang Diyos, Tanging ang Allah ang Panginoon at ang Banal o Sagrado.
Ang ilan ay maaaring mag-isip na si Propeta Muhammad (SAWS) ay sinasamba ng mga Muslim tulad ng pagsamba ng mga Kristiyano kay Hesus (AS). Ito ay hindi totoo.
Ang mga Kristiyano ay naniniwala sa pagiging isang Diyos ni Hesus (AS) at ang ilan sa kanila ay naniniwala sa pagiging diyos ng kanyang ina na si Maria, ang Birhen. Ang mga Muslim ay hindi naniniwala sa pagiging isang Diyos ni Hesus (AS), ni Maria o ni Propeta Muhammad (SAWS). Sa Islam tanging ang Allah ang Panginoon.
Ang mga Muslim ay hindi sumasamba kay Propeta Muhammad (SAWS). Hindi natin tinatapos ang ating mga panalangin sa kanyang pangalan. Wala tayong katumbas sa “Aba Ginoong Maria” na inilaan sa ina ni Propeta Muhammad (SAWS). Diretso tayong nananalangin sa Allah at nagtatapos ang panalangin sa pangalan lamang ng Allah. Sinusunod lamang natin ang halimbawa at pamamaraan ni Propeta Muhammad (SAWS) gaya ng pagsunod niya sa halimbawa at pamamaraan ng mga Sugo na nauna sa kanya tulad ni Abraham, Moises at Hesus (AS).
Paano Nating Gagawing Halimbawa Si Propeta Muhammad (SAWS)
Ipinaliwanag at inihalimbawa ng Sugo ang mga kautusan ng Allah. Inutusan tayo ng Allah na magsagawa ng pagsamba sa Qur’an, nguni’t ang paraan, pagsasaoras, mga paunang kondisyon at iba pang mga aspeto ng itinakdang mga panalangin ay ipinaliwanag at ipinakita ng Sugo (SAWS) sa pamamagitan ng kanyang mga kasabihan at mga gawain. Ganoon din ang pagsasabi sa pag-aayuno, sa peregrinasyon (pagbisita sa tahanan ng Allah sa Makkah) at iba pang mga aspeto ng pagsamba at debosyon. Tulad nito, ang Qur’an at ang mga halimbawa ni Propeta Muhammad (SAWS) ay magkasama at pinupuri ang bawat isa. Ang halimbawang ito ni Propeta Muhammad (SAWS) ay pangkalahatang tinawag na “Sunnah” sa wikang Arabe.
Ang Sunnah
Ang Sunnah ay tumutukoy sa lahat ng mga katuruan ni Propeta Muhammad (SAWS). Maaaring ito ay ang kanyang mga kasabihan tulad ng kanyang ipinahayag, “Ihandog ang inyong mga itinakdang ritwal na panalangin tulad ng nakita mong ginagawa ko,” o, “Kunin mula sa akin ang ritwal sa inyong ritwal na paglalakbay sa banal na lugar.” Ang mga kasabihan tulad ng mga ito ay nagbibigay sa atin ng malinaw na mga tagubilin kung ano ang dapat gawin o hindi dapat gawin. Kabilang din sa Sunnah ang mga pagkilos o gawa ng Sugo (SAWS) tulad ng inilarawan ng kanyang mga kasamahan. Inilarawan sa atin kung paano niya isinasagawa ang kanyang ritwal na paghuhugas at paglilinis at kung paano niya isinasagawa ang kanyang itinakdang ritwal na mga panalangin.
Inilarawan din nila kung paano niya pinakitunguhan ang kanyang pamilya, mga anak, pamayanan, mga kaaway at mga kaibigan.
Kaya’t natutunan natin na dapat nating isagawa ang mga gawaing ito at mamuhay tayo sa parehong paraan.
Ang ikatlong aspeto na kinabibilangan ng Sunnah ay ang mga lihim na pagsang-ayon ni Propeta Muhammad (SAWS). Kapag ang isang gawain o pahayag ay naganap sa harap ng Sugo at hindi niya ito tinutulan, ito ay nagiging isang bahagi ng kanyang tradisyon. Sa pagkakataong ito, wala siyang sinabi o ginawa sa kanyang sarili, sa halip ay pinagmamasdan niya ang iba sa gawa at hindi tumutol. Ang kanyang pananahimik ay nagpapakita na ang pagkilos o gawa na kanyang inoobserbahan ay pinahihintulutan dahil ang Sugo (SAWS) ay hindi nalulugod na makakita ng mali at hindi magsalita laban dito. Ang kanyang katahimikan ay pagsang-ayon.
Kasama rin sa Sunnah ang paglalarawan sa pisikal at katangian ni Propeta Muhammad (SAWS). Kabilang dito kung paano siya manamit, kumain, matulog, magsalita, magturo, makitungo sa iba, tumingin, kanyang kulay, buhok, balbas, kasuotan, kalinisan, pagkain, pagiging mapagbigay, matiyaga, maawain at iba pa.
Ang Gantimpala sa Pagsunod sa Halimbawa ni Propeta Muhammad (SAWS)
Ang ating pagmamahal sa Allah na isang bahagi ng ating paniniwala at ang pangunahing pundasyon nito ay nangangailangan at nagbibigay sa atin ng lakas na gawin ang mga ipinag-uutos ng Allah. Upang tunay na mahalin ang Allah nangangailangan rin na mahalin kung ano ang iniibig ng Allah. Ang isa sa pinakadakilang kautusan ng Allah ay ang sundin ang halimbawa ng huling Sugo ng Allah. Ang taong pinaka-iibig ng Allah ay ang Kanyang huling Sugo at tapat na tagapaglingkod na si Muhammad (SAWS). Ang isa sa pinakamalaking gantimpala na ating makakamit sa pagsunod sa halimbawa ni Propeta Muhammad (SAWS) ay ang pagkamit sa pagmamahal ng Allah at Kanyang kapatawaran. “Sabihin, ‘Kung mahal mo ang Allah, sumunod sa akin, at mamahalin ka ng Allah at patatawarin ang iyong mga kasalanan.” [3:31]
Sa pamamagitan ng pagsunod sa halimbawa ni Propeta Muhammad (SAWS) ay tinitiyak natin na tayo ay laging nasa landas na pinaka nakalulugod sa Allah. Sinabi sa atin ng Sugo na dapat nating sundin ang kanyang halimbawa dahil makakatulong ito sa atin sa panahon ng kagipitan at pagkalito.
Ang mga halimbawa ni Propeta Muhammad (SAWS) ay hindi lamang naglalaman ng ating mga tungkulin bilang mga Muslim, gayundin ng boluntaryo at inirerekomendang mga gawain. Ang isang halimbawa nito ay paghikayat sa atin ni Propeta Muhammad (SAWS) na magsagawa ng labing-dalawang yunit ng boluntaryong panalangin sa isang araw kasama ng limang pang-araw-araw na panalangin.
Sa paggawa nito tayo ay magkakaroon tayo ng tahanan na itatayo para sa atin sa Paraiso.
Namuhay si Propeta Muhammad (SAWS) na nakatuon sa paglilingkod sa Allah at naghahatid ng mensahe sa mga tao.
Ang kanyang buhay ay napakapayak at mapagpakumbaba. Siya ay isang matuwid na tao na minamahal at iginagalang ng kanyang mga kaibigan at mga kaaway. Bawat detalye ng kanyang buhay ay iniingatan dahil siya ay isang mabuting halimbawa na sundan para sa mga nagnanais na makamit ang kaligtasan at tulong ng Allah.
Bilang mga Muslim ay dapat nating paunlarin at linangin ang isang mabuting ugnayan sa Sugo ng Allah (SAWS).
Napakaraming masasabi tungkol sa paksang ito nguni’t sapat na upang sabihin na ang pinakamahusay na paraan para sundin ang halimbawa ni Propeta Muhammad (SAWS) ay ang makilala siya ng malapitan at pag-aralan ang kanyang buhay at mga kaugalian. Titiyakin nito na mayroon tayong malapit na ugnayan sa kanya batay sa ilang kaalaman at kamalayan.
Nawa’y mapasa-inyo ang pangangalaga ng Allah… Aameen