Sinabi ng Allah sa Qur’an, “Ang mga mananampalataya ay magkakapatid.” [49:10] Ang talatang ito ay ang pundasyon ng konsepto ng kapatiran sa Islam. Pinaalalahanan ng Allah ang mga alagad ni Propeta Muhammad (SAWS) ng Kanyang tulong sa kanila at kung paano Niya pinagbuklod ang kanilang mga puso, “At tumangan kayo nang mahigpit sa Lubid ng Allah ng magkakasama, at huwag kayong maghiwa-hiwalay. At inyong alalahanin ang pagpapala ng Allah sa inyo – nang kayo ay magkakaaway. Kanyang pinagbuklod ang inyong mga puso, at kayo ay naging magkakapatid [sa relihiyong Islam] nang dahil sa Kanyang pagpapala.” [3:103]
Ang Kapatiran sa Islam ay tungkol sa pagmamahal sa mga mananampalataya para sa kapakanan ng Allah, tratuhin sila ng mabuti at may paggalang, payuhan sila at makipagtulungan sa kanila sa pagsunod at sa mga kautusan ng Allah. Sinabi ni Propeta Muhammad (SAWS), “Walang sinuman sa inyo ang tunay na naniniwala hangga’t mahalin nila sa kanilang kapatid na Muslim kung ano ang kanilang iniibig para sa kanilang sarili.” Kanya ring sinabi, “Huwag kayong magalit sa isa’t-isa, mainggit sa bawat isa, o tumalikod sa isa’t-isa. Sa halip, maging magkakapatid, mga tagapaglingkod ng Allah. Hindi matuwid para sa isang Muslim na iwanan ang kanyang kapwa kapatid ng higit sa tatlong araw.”
Ito ang kahulugan ng pagmamahal at pagkakapatiran na binanggit ng Allah sa Quran kabanata 3:103 at itinanim ni Propeta Muhammad (SAWS) sa kanyang mga alagad. Dapat nating pangalagaan ang bawat isa at madama ang kanilang sakit at makibahagi sa kanilang kagalakan. Sinabi sa atin ni Propeta Muhammad (SAWS) na bilang mga Muslim tayo ay may karapatan sa bawat isa. Napakaraming karapatan ng mga Muslim sa isa’t isa. Mula sa mga karapatang ito ay ang pagtugon sa pagbati ng iba, tumugon sa kanilang paanyaya, manalangin para sa kanila kapag sila ay bumabahing, bigyan sila ng taos-pusong payo kung sila ay nanghihingi, bisitahin sila kung sila ay maysakit, at makipaglibing kapag sila ay pumanaw. Sinabi ni Propeta Muhammad (SAWS), “Ang halimbawa ng mga mananampalataya sa kanilang pagmamahalan at pakikiramay sa isa’t-isa ay tulad ng halimbawa ng iisang katawan. Kung ang isang bahagi ay nakakaramdam ng sakit, ang natitirang bahagi ng katawan ay nakakaramdam ng sakit at pagkabalisa.”
“Ang mga mananampalataya ay magkakapatid.”
Qur’an [49:10]
Kung ang ibang Muslim ay gumawa ng pinsala o pang-aapi, ay dapat nating gawin ang lahat upang pigilan sila sa isang matalinong paraan na hindi mauuwi sa mas higit na kapinsalaan. Kapag ang ibang mga Muslim sa buong mundo ay nagdurusa, dapat tayong manalangin sa Allah at hingin ang Kanyang tulong at kalinga. Dapat nating gawin ang ating makakaya para sa iba, pagtulong sa kanila sa pamamagitan ng pananalapi at kawanggawa, o pagbibigay sa kanila ng tulong medikal. Kung may kakayahan tayong magbigay ng espasyo sa kanilang pangalan at itaas ang kamalayan ng kanilang kalagayan at sitwasyon, dapat nating gawin ito sa abot ng ating makakaya.Ang pagkakapatiran na ito ang magtatagal at gagantimpalaan sa Araw ng Paghuhukom. Ang sabi ng Allah, “Yaong mga nakikipagkaibigan sa isa’t isa sa kawalan ng paniniwala at paglihis ay magiging mga kaaway ng isa’t-isa sa Araw ng Paghuhukom maliban sa mga umaalala sa Allah sa pamamagitan ng pagtupad sa Kanyang mga utos at pag-iwas sa Kanyang mga ipinagbabawal. Ang kanilang pagkakaibigan ay walang hanggan at hindi masisira.” [43:67]