Ang sinabi ng Allah sa Qur’an tungkol kay Maria, “At [banggitin] nang sabihin ng mga Anghel: ‘O Maria, katotohanan, ikaw ay pinili ng Allah, ikaw ay ginawang dalisay at ikaw ay pinili ng higit sa mga kababaihan sa lahat ng mga nilikha [sa sangkatauhan].” [3:42] Ang talatang ito sa Qur’an ay nagsasabi tungkol sa katayuan ni Maria at kung paano siya kilala sa kanyang sariling katangian. Siya ay hindi lamang hinahangaan sa pagiging ina ni Hesus (AS), kundi pati na rin sa kanyang sariling mga katangian at debosyon sa Allah.
Ang dalawang pangunahing aspeto na makikita natin sa kanyang buhay ay ang pagtitiyaga at katatagan. Bilang isang batang babae, siya ay naging ulila, at nasa ilalim ng pangangalaga ng kanyang mga kamag-anak, ang Sugo na si Zacarias at ang kanyang maybahay. Ang pagiging ulila ay isang malaking hamon na nangangailangan ng mabuting pangangalaga ngunit nagtuturo din ng pagiging matiyaga at katatagan. Inialay ni Maria ang kanyang sarili sa Allah, sa Kanyang pagsamba at sa Kanyang pag-alala. Inutusan siya ng Allah na may pagsamba. Ang pagiging tuloy-tuloy sa pagsamba ay nagtuturo din ng pagiging matiyaga at katatagan.
Madalas hindi natin ito napapansin, at nagpupumilit na maging regular sa ating pang-araw-araw na pagsamba o sa pagbibigay ng kawanggawa o iba pang maliliit na gawain ng kabutihan. Ang pagiging regular at tuloy-tuloy ay nangangahulugan na kailangan nating planuhin ang ating mga araw nang mas mabuti, isakripisyo ang ilang bagay na humahadlang, o kahit man lang na ilipat ang mga bagay-bagay upang matiyak na lagi nating inuuna ang ating pagsamba sa Allah. Kung minsan ay nangangahulugan din ito ng pagpapakita ng pagtitiyaga at katatagan kapag sinubukan ng ibang mga bagay na gambalain tayo mula dito. Nakamit ni Maria ang pagpapahalaga sa pagsamba at naging isang huwaran sa mga mananampalataya.
Sa kasaysayan ni Maria, makikita natin na nang lumapit sa kanya ang mga anghel at ipaalam sa kanya na siya ay pinili ng Allah upang maging ina ni Hesus (AS), ay muli siyang nagpakita ng pagtitiis at katatagan. Tinanggap niya ang kautusan ng Allah. Sinabi ng Allah, “Siya [si Anghel Gabriel] ay nagsabi]: ‘Ganyan nga [ito ay mangyayari], ang iyong Panginoon ay nagsabi: ‘Ito ay sadyang madali para sa Akin; ay siya ay Aming gagawin bilang palatandaan para sa sangkatauhan at isang habag mula sa Amin. At ito ay isang pangyayaring naitakda [na].” [19:21] Nagpunta siya sa malayong lugar upang manganak, at naging matiyaga sa kautusan ng Allah, alam na siya ay pupulaan o pupunahin ng kanyang mga tao sa pagiging isang ina ng isang anak na hindi pa nakapag-asawa.
Dagdag pa dito, sa panahon ng kapanganakan ni Hesus (AS), si Maria ay nagpakita ng pagtitiyaga at katatagan, hindi humingi ng tulong sa iba, ngunit humihingi lamang ng tulong sa Kanya. Tumugon ang Allah, “Kaya, siya [si Maria] ay tinawag niya mula sa ibaba ng kanyang [paanan], at [nagsabing]: “Huwag kang malungkot! Sa katunayan , ang iyong Panginoon ay gumawa ng isang umaagos na bukal [ng tubig] sa [bahaging] ibaba [ng iyong paanan; “At yugyugin mo ang puno ng datiles na nasa iyong harapan, ihuhulog nito sa iyo ang hinog na sariwang bunga ng datiles. “Kaya, ikaw ay kumain at uminom at masiyahan…” [19:24-26]
Nang dalhin niya si Hesus (AS) sa kanyang mga tao, inakusahan nila siya ng kahalayan at pagiging malaswa. Muli, nagpakita si Maria ng huwarang pagtitiyaga at katatagan, nauunawaan na may mas malaking plano ang Allah, at nagtitiwala sa Kanyang plano. Nangako ng katahimikan ayon sa kautusan ng Allah, wala siyang ginawa sa harap ng mga paratang na ito maliban sa ituro ang kanyang sanggol na anak na lalaki. Ang kanyang pagtitiyaga at katatagan ay nagtuturo sa atin na labanan ang panggigipit at mga paninirang puri na maaaring magmula sa iba kapag tayo ay nakatuon sa Allah.
Binigyan ng Allah si Hesus (AS) ng kakayahang magsalita at ipagtanggol ang karangalan ng kanyang ina. Pinuri ng sanggol na si Hesus (AS) ang kanyang ina bilang isang babaeng banal, marangal at malinis ang puri. Sinabi ni Hesus (AS) ang tungkol sa kanyang sarili, “At ako ay Kanyang pinagpala saan man ako naroroon, at itinagubilin sa Akin ang pagdarasal, at kawanggawa habang ako ay nabubuhay, ‘At [ako ay ginawang] masunurin sa aking ina at ako ay hindi Niya ginawang malupit, hindi lapastangan.” Kaya, ang halimbawa ni Maria sa kanyang pagtitiyaga at katatagan ay isa na matututunan at pakikinabangan ng lahat ng mananampalataya.