Assalamualaykum wa rahmatullahi taala wa barakatuh
Mga kapatid namin sa pananampalatayang Islam,
Sa pagsalubong natin sa mapagpalang buwan ng Ramadan, tanggapin natin ang panahong ito ng pagmumuni-muni, pag-aayuno, at panalangin ng may bukas na puso. Ito ang panahon ng pagpapatibay ng ating pananampalataya, paglilinis ng ating mga kaluluwa, at muling ibalik ang ating katapatan sa mga katuruan ng Allah.
Sa panahong ito ng sagradong buwan, ay alalahanin natin ang ating mga kapatid sa bansang Palestina, na nagtitiis sa kahirapan, gutom at pagdurusa. Ang kanilang katatagan sa pagharap sa kahirapan ay isang patunay ng kanilang pananampalataya at Eeman. Itaas natin ang ating mga kamay sa panalangin (du’a) sa panahon ng taraweeh para sa kanilang kaligtasan, kapayapaan, at kalayaan. Nawa’y pagaanin ng Allah ang kanilang mga pasanin, pangalagaan sila mula sa pinsala, at pagkalooban sila ng walang hanggang lakas.
Dito sa Pilipinas, tayo ay biniyayaan ng higit na ginhawa at kalayaan na madalas nating binabale-wala. Huwag nating kalimutan ang maraming biyaya na ipinagkaloob sa atin ng Allah. Napakahalaga na kilalanin natin ang mga biyayang ito, ipahayag ang ating pasasalamat, at huwag kaligtaan ang mga kapus-palad. Ang ating pasasalamat ay dapat ipakita sa ating mga gawa, sa pamamagitan ng pagsuporta o pagtulong sa mga nangangailangan, sa pamamagitan man ng kawang-gawa, mabuting salita, o taimtim na mga panalangin.
Nawa’y ang Ramadan na ito ay magpalapit sa atin sa Allah, pagyamanin ang ating pamumuhay sa espirituwal na pag-unlad, at magbigay ng inspirasyon sa paggawa ng kabutihan at pakikiramay. Pahalagahan natin ang panahong ito, gampanan ang ating mga tungkulin ng may katapatan, at manalangin para sa kapayapaan at katarungan para sa lahat, lalo na sa ating mga kapatid sa bansang Palestina.
Dalangin namin sa lahat ang isang mapayapa at mapagpalang Ramadan. Aameen