Pagpasok pa lamang ng Setyembre ay mababanaag na ang pagdating ng simoy ng Kapaskuhan ng ating mga kababayang Kristiyano (maliban sa ilang denominasyon tulad ng Iglesia ni Cristo). Maya’t maya ang pagpapatugtog ng Christmas songs and carols. Sa radio at telebisyon ay panay ang mga patalastas na may temang pasko. Sa social media platforms ay talaga namang halos tungkol sa pasko ang posts at may countdown pa.
Habang nagaganap ang mga ito, ikaw na Bagong-Yakap sa Islam ay nabigla. Maaaring nasanay ka sa ganitong kalagayan taun-taon pagkatapos ay biglang dadatal sa iyong sarili na ‘Muslim na ako, wala na akong Pasko.’!
Bilang isang Muslim na bagong-yakap pa lamang sa Pananampalataya (o kahit mga matagal nang yumakap), nararapat na iwasan natin ang mga ganitong uri ng pagdiriwang sapagkat ito ay gawain lamang ng ibang paniniwala. Hindi ito kailanman bahagi ng Islam at isa pa nga ito sa malaking kasalanan. Ang Pasko ay ‘pagdiriwang ng araw (umano) ng kapanganakan ni Hesus – na pinaniniwalaan nilang bugtong na anak ng Diyos (Luwalhati kay Allah mula sa ganitong paniniwala).
Kaya’t ang isang Bagong Muslim ay dumaranas ng ilang mga hamon tuwing dumarating ang panahon ng Kapaskuhan. Isa na rito ang ‘pagtitipon ng mag-anak o kasambahay upang magsalu-salo at magdiwang ng Pasko.’ Lalo pang nagpapahirap dito ay kapag halos ikaw lamang ang Muslim sa inyong pamilya. Ang mga karneng inihanda para sa pagdiriwang ng Pasko ay hindi natin maaaring kainin.
Hindi rin mawawala ang kantahan, sayawan, at palaro tuwing Pasko. May mga kumakanta ng buong araw at magdamag, paulit-ulit, at maingay. May mga nagsasayawan ng mga usong tugtog sa mga tahanan o kalsada at iba pang lugar. Mayroon ding mga palarong pinagkakaguluhan ng mga bata at matatanda. May ilan din na mga nagka-carolling sa mga bahay-bahay na humihingi ng pera pagtapos kumanta.
Sapagkat walang pasok sa trabaho sa araw ng pasko, doon na rin itinatapat ng mga mag-anak ang kanilang family reunion dahil marami sa mga kaanak ang galing pa sa ibang lugar o bansa at umuwi lamang upang ipagdiwang ito.
Ang ilan din sa mga Bagong Muslim ay may mga inaanak nung sila ay hindi pa Muslim na naghahanap sa kanila tuwing Pasko upang humingi ng regalo at aguinaldo.
Lahat ng ito ay dinaranas ng isang bagong Muslim o nag-iisang Muslim sa gitna ng di-Muslim na pamilya. Upang maka-iwas sa mga ito sa mga araw bago o mismong Pasko – kung maka-aalis ka ng inyong tahanan ay pinakamainam. Magtungo ka sa pinakamalapit na Masjid o pamayanang Muslim upang maramdaman mo na may-kasama ka na umiiwas at lumalayo rin sa gawain ng mga di-mananampalataya.
Kung hindi ka naman maka-aalis ng inyong tahanan, gawin mo na lamang na pangkaraniwang araw ang araw ng kanilang Pasko. Magtrabaho ka pa rin at maghanap-buhay. Kung wala ka namang pasok ay maglinis ka ng bahay, magbasa, mag-aral – gawing mong regular at normal na araw iyon at hindi ka makiki-isa sa kanila.
Kung dumating naman ang iyong mga kamag-anakan, ipakita ang kaluguran sa kanilang pagdating dahil kamag-anak mo pa rin sila, subalit ipaliwanag sa kanila na ikaw ay hindi makiki-isa sa kanilang pagdiriwang at hindi sasabay sa kanilang salu-salo. Huwag matakot na hindi ka nila maiitindihan o mauunawaan. Igagalang ka nila sa iyong pasya at kalagayan. Mapagtatanto nila na ikaw nga ay tunay na Muslim na sumusunod sa panuntunan nito. Maaaring magtampo o magalit sila ngunit si Allah na ang bahala sa kanilang mga puso.
Kung bigyan ka ng pagkakataon na ipaliwanag ang Islam o ang dahilan bakit walang Pasko sa Islam – paunlakan ito kung iyong makakayanan. Maaari mo rin naman silang bigyan ng babasahin hinggil sa Islam kung hindi mo kayang magpaliwanag.
Nawa’y gabayan tayo ni Allah sa araw-araw at patatagin sa Relihiyon sa kabila ng ating pamamalagi sa gitna ng pamayanang Di-Muslim. Ameen.
Isinulat ni Sheikh Rasheed Vallena
[email protected]