Tungkuling ibigay ang Zakaatul Fitr ng bawat isang Muslim – matanda man o bata, lalaki o babae, alipin o malaya. Mainam din ipaglabas ng Zakaatul Fitr ang mga ipinagdadalang-tao. Ito ay dapat ilabas mula sa sarili at sa mga taong sinusutentuhan tulad ng mga asawa, anak, o kamag-anak – mga hindi makapaglalabas ng satiling Zakaah.
Ang pagbibigay ng Zakaatul Fitr ay bilang pag-aabot ng kabutihan at kagandahang-loob sa mga maralita upang hindi na sila manghingi pa ng pagkain sa Araw ng Eid. Ito rin ay pagdadalisay para sa isang nag-ayuno. Naisalaysay mula sa Propeta ﷺ na: “Ipinag-utos ng Sugo ni Allah ﷺ Zakaatul Fitr bilang pagpapadalisay sa nag-ayuno mula sa walang-saysay na salita, kahalayan, at bilang pagkain din sa mga mahihirap.” Iniulat ni Abu Dawud at Ibnu Maajah
Ang Zakaatul Fitr ay ibibigay mula sa mga pangkaraniwang pagkain o staple food ng mamayan tulad ng datiles, trigo, bigas, pasas, iqt (pinatuyong gatas ng kambing o tupa), o iba pang pagkain.
Ang dami ng Zakaah na ibibigay ay isang Saa’. Ang isang Saa’ ay katumbas ng apat na mudd. At ang isang mudd naman ay katmbas ng isang salok ng katamtamang palad na hindi nakaikom at hindi bukang-buka. Sa kasalukuyang panahon, ito ay humigit-kumulang 2.5 kilogramo. Kaya’t sa bawat kaanib ng pamilya ay 2.5 kg ng bigas ang ibibigay – sa Pilipinas – halimbawa.
Ito ay maaaring ibigay mula dalawa o isang araw bago ang Eid hanggang sa araw mismo ng Eid bago magsagawa ng Salaatul Eid. Bahagi ng salaysay mula sa Sugo ﷺ: “Sinumang magbigay nito bago magsagawa ng Salaah – ito ay katanggap-tanggap na Zakaah. At sinuman ang magbigay nito matapos ang Salaah, ito ay kabilang na lamang sa mga kawanggawa.”
Mainam na ito ay ibigay na pagkain tulad ng bigas o iba pang nabanggit dahil ito ang ginawa at pamamaraan ng Sugo ﷺ at ng kanyang mga Kasamahan – kalugdan silang ni Allah.
Nawa’y tanggapin ni Allah ang ating mga pagsusumikap ngayong Buwan ng Ramadan. Nawa’y tanggapin ni Allah ang ating Pag-aayuno, Pagdarasal, Kawanggawa, Kabutihan, at nawa’y patwarin an gating mga kasalanan. Ameen.