Isa sa mga kahanga-hangang kakayahan ng tao ay ang kakayahan niyang magbago. Anupaman ang kanyang nakasanayan na gawain o ugali – kung siya ay may lakas ng loob at determinasyon – nababago niya ang kanyang sarili kahit minsan ito ay sa loob ng mahabang panahon. Kanais-nais para sa isang nilalang kung gagawin niya ang pagbabago para sa ikabubuti at ika-uunlad hindi lamang ng kanyang sarili, bagkus, para rin sa ibang tao.
Isang kasawian para sa isang tao kapag siya ay nawalan ng pag-asa para magbagong buhay. Siya ay mabibilanggo sa kanyang madilim na nakaraan. Hindi siya naniniwala na kaya niyang iwaksi ang mga bagay na nakasanayan lalung lalo na kung ito ay maling gawi at pamamaraan.
Kaya’t para sa isang bagong yakap sa Islam – pagbati para sa iyo – sapagkat ito ang pinakamabuting pagbabago na iyong ginawa para sa iyong sarili. Mula sa kadiliman ng “buhay na walang katiyakan” ay pinili mong tahakin ang Liwanag ng Gabay at Patnubay ng Tagapaglikha. Mula sa “buhay ng kamangmangan ispiritwal” ay niyakap mo ang Pagsamba nang may matibay na kabatiran at hindi sunud-sunuran lamang.
Ngayong Muslim ka na – ang buhay mo ay hindi na pangkaraniwan. Ang buhay mo ay nararapat nakatuon sa Paniniwala sa Tagapaglikha – si Allah. Siya ang namamahala sa lahat. Siya ang nangagnasiwa sa lahat ng mga pangyayari – mabuti man o masama – nang naaayon sa Kannyang Walang Hanggang Karunungan. Batid Niya ang lahat – lingid man o lantad. Kaya ang lahat ng iyong pagsamba, pag-aalay, gawain, kilos, galaw, at maging ang pintig ng puso ay nararapat mong ialay sa Kanya. Sa paniniwala sa Kaisahan ni Allah nararapat umikot ang iyong buhay. Ang kabatiran sa bagay na ito ang pinakamainam na simula ng iyong pagbabago.
Kaya’t kung nasanay ka sa maksarili at makamundong pamumuhay na walang tama at mali liban sa sariling kagustuhan – baguhin mo ang kaisipang ito. Ang Tama at Mali ay kung ano ang Tama at Mali sa Paningin ng Tagapaglikha. Kaya’t pag-aralan ito. Pag-aralan ang Pananampalataya. At ito ang matagumpay na Pababago.
Isiniulat ni Sheikh Rasheed Vallena
NMA-PH Lecturer
Like Comment Share