Ang buwan ng Ramadan ay nagtatapos kapag ang gasuklay na hugis ng buwan ay nasilayan sa buwan ng Shawwal (ika-10 buwan sa Islamikong kalendaryo). Ang unang araw ng Shawwal ay ang araw ng Eid al-Fitr (ang pagdiriwang ng pagtatapos ng pag-aayuno). Ito ay isang araw ng kasiyahan at pagdiriwang sa pagtatapos ng pag-aayuno at debosyon ng nakalipas na buwan. Ipinagbabawal na mag-ayuno sa araw na ito. May ilang bilang ng mahalagang mga gawain na maaari mong gawin sa araw na ito:
1.) Bago sumapit ang araw na ito, tiyakin na nakabayad ka na ng Zakat al-Fitr. Ito ay isang kawanggawa na ibinibigay sa huling ilang araw ng Ramadan sa mahihirap nang sa gayon sila rin ay makapagdiwang ng Eid. Maaari mo itong bayaran sa inyong lokal na masjid o sa pamamagitan ng isang tanggapan ng Islamikong pangkawang-gawa.
2.) Sa oras na putulin mo na ang iyong huling pag-aayuno, ang gabi ng Eid ay magsisimula. Inirerekomenda na alalahanin ang Allah mula sa oras na iyon hanggang sa panalangin ng Eid sa umaga. Dapat mong bigkasin “Ang Allah ang pinaka-Dakila, ang Allah ang pinaka-Dakila, walang karapat-dapat sambahin maliban sa Allah, ang Allah ang pinaka-dakila, ang Allah ang pinaka-dakila, at ang lahat ng papuri ay tanging sa Allah.”
3.) Sa umaga ng Eid, ay dapat kang maghanda para sa ritwal na debosyon o panalangin kasama ng komunidad ng mga Muslim sa pamamagitan ng:
i. Paliligo
ii. Pagsusuot ng malinis na damit.
iii. Paglalagay ng pabango (para sa mga kalalakihan).
iv. Pagkain ng isang bagay bago pumunta sa panalangin dahil ipinagbabawal ang mag-ayuno sa araw na ito.
4.) Dumalo sa Pagdarasal ng Eid:
i. Ito ay ginaganap sa inyong lokal na Masjid o sa iba pang lokasyon kung saan kanila itong iaanunsyo tulad ng isang liwasang-bayan o bulwagan.
ii. Inirerekomenda sa lahat ng mga Muslim na dumalo sa ritwal na debosyong ito.
iii. Ang mga kababaihan na may buwanang dalaw ay dapat ding dumalo nguni’t huwag sumali sa ritwal na debosyon o pagdarasal, sa halip ay makinig sa pangaral.
5.) Ang panalangin ng Eid ay binubuo ng dalawang yunit.
i. Sa unang yunit, ang Imam ay magsasagawa ng pitong karagdagang Takbir (bibigkasin ang Allah ay dakila) pagkatapos ng paunang isa para simulan ang panalangin.
ii. Ang natitirang yunit ay katulad ng anumang iba pang mga panalangin.
iii. Sa pangalawang yunit, ang Imam ay magsasagawa ng limang karagdagang Takbir (bibigkasin ang Allah ay dakila).
iv. Ang natitirang yunit ay katulad ng anumang iba pang mga panalangin.
6.) Pagkatapos ng panalangin, ang Imam ay magbibigay ng isang maikling pangaral.
7.) Pagkatapos nito, ay kumpleto na ang ritwal na debosyon.
8.) Nakaugalian ng mga Muslim na batiin ang isa’t-isa pagkatapos ng panalangin. Maaari mong batiin ang iba, at manalangin para sa kanila, tulad ng pagsasabi ng, “Nawa’y tanggapin ng Allah ang ating mga mabubuting gawa.”