Skip to main content
Blogs

Panlipunang mga Katuruan ng Banal na Qur’an 

Ang Qur’an ay naglalaman ng mga patnubay para sa sangkatauhan. Sinasaklaw nito ang lahat ng kailangan ng mga tao para  matagpuan ang tunay na kaligayahan at tagumpay sa buhay na ito at sa kabilang buhay. Ang isang malaking bahagi nito ay ang panlipunang mga katuruan o aral ng banal na Qur’an. Ang pangunahing tungkulin ng mga tao ay ang wastong pagkilala sa Nag-iisang Tunay na Diyos (ang Allah) at upang sambahin lamang Siya ayon sa Kanyang mga alituntunin at mga kondisyon. Ang isang bahagi nito ay ang pagsunod sa Allah at ang pamumuhay sa paraang makalulugod sa Kanya. Ang pangunahing bahagi na makalulugod sa Allah ay ating panlipunang pakikipag-ugnayan. Sinabi ni Propeta Muhammad (SAWS) na ang pinakamabuti sa mga tao ay mga pinaka kapaki-pakinabang sa iba.

Ang Qur’an ay nagpahayag tungkol sa iba’t-ibang panlipunang mga tungkulin na na ibinigay sa atin. Kabilang dito ang pananalaping tulong sa mga nangangailangan nito, tulad ng mahihirap, nangangailangan, mga ulila, at iba pa. Sinabi ng Allah, “At gumugol kayo sa Landas ng Allah at huwag ninyong isadlak ang inyong [sariling] mga kamay tungo sa kapariwaraan [sa pamamagitan ng pag-iwas o pagkakait]. At gumawa kayo ng kabutihan. Tunay na ang Allah ay nagmamahal sa mga mapaggawa ng kabutihan.” [2:195] Ang mga gantimpala ng paggugol ay inilarawan sa isang kathang may aral, “Ang kahalintulad ng mga gumugugol ng kanilang yaman sa Landas ng Allah ay katulad ng isang binhi [ng butil ng mais] na tumutubo [nagbubunga] ng may pitong puso at ang bawat puso ay naglalaman ng isang daang butil. At dinaragdagan ng Allah ang [Kanyang gantimpala sa] sinumang Kanyang nais. At saklaw ng Allah [ang lahat], ang Maalam.” [2:261]

Ang isa pang aspetong panlipunan na binigyang-diin sa Qur’an ay ang igalang ang karapatan ng iba. Ito ay binigyang-diin sa Qur’an, lalo na ang paggalang sa mga magulang, mga asawa, mga anak, at iba pa, tulad ng mga malalapit na kamag-anakan. Sinabi ng Allah, “At ang iyong Nag-iisang Panginoon ay nagtakda na wala kang sasambahin maliban sa Kanya, at maging mabuti [sa pakikitungo] sa mga magulang. Maging ang isa sa kanila o silang dalawa ay kapwa umabot na sa katandaang gulang. [Habang sila ay] nasa iyong piling, huwag kang mangusap sa kanila ng [salitang kawalang-galang tulad ng] ‘Uff’, at huwag mo silang hiyawan [o sigawan] bagkus mangusap sa kanila ng salitang kapita-pitagan.” [17:23]

Ang isang karagdagang aspeto ng panlipunang katuruan na binanggit sa Quran ay ang mabuting katangian, pag-uugali, at tuntunin ng kabutihang-asal. Ito ay tumutukoy sa ugali at asal ng isang tao, at ang paraan ng pakikitungo nila sa iba. Sinabi ng Allah, “At huwag mong ibaling ang iyong mukha [sa panlalait] sa [iyong kapwa] tao, at huwag kang maglakad ng mayabang sa kalupaan. Katotohanan, ang Allah ay hindi nagmamahal sa bawat [isang] nagmamalaki [sa sarili] at nagyayabang [sa yaman nito].” [31:18] Ang pagiging mabait, maawain, at matulungin sa kapwa ay siyang iniibig at ipinag-uutos ng Allah. 

Sinabi ng Allah, “Katotohanan, ang Allah ay nag-uutos ng katarungan at mabuting asal at pagbibigay [ng tulong at pagmamalasakit] sa mga kamag-anak at nagbabawal ng kahalayan at masamang asal at pang-aapi. Kayo ay Kanyang pinagpapayuhan upang sakali kayo ay mapaalalahanan.”

[16:90]

Ang iba pang aspeto ng panlipunang mga katuruan ng Islam ay ang pag-iwas sa pananakit ng iba. Kabilang dito ang lahat ng uri ng pang-aapi, hindi makatarungan, at kasamaan. Ipinagbabawal sa Qur’an ang pagsisinungaling, paninirang-puri, pagsira sa mga pangako at mga kasunduan, at lahat ng mga katulad na bagay. Mga katangian ng pag-uugali na humahantong sa mga gawaing ito ay binabalaan din, tulad ng pagmamayabang, pagmamalaki, galit, inggit, poot, at iba pa.

Sa halip, ang Qur’an ay nag-uutos ng kabutihan, pagiging makatarungan, habag sa iba, pagtitiyaga at pagtitiis, at mabuting pag-uugali.  Sinabi ng Allah, “Katotohanan, ang Allah ay nag-uutos ng katarungan at mabuting asal at pagbibigay [ng tulong at pagmamalasakit] sa mga kamag-anak at nagbabawal ng kahalayan at masamang asal at pang-aapi. Kayo ay Kanyang pinagpapayuhan upang sakali kayo ay mapaalalahanan.” [16:90] Kaya, ang Qur’an ay nananawagan sa lahat ng kabutihan at nararapat sa isang tagapaglingkod ng Allah na naghahangad na malugod Siya at umaasa sa Kanyang walang hanggang gantimpala. 

o.m@newmuslimacademy.ph

Kami po ang kasama ninyo pag katapos ng Shahadah ! Kung may katanungan mag email lang po sa [email protected]

Subscribe
Notify of
0 Comments
Oldest
Newest Most Voted
Inline Feedbacks
View all comments
0
Would love your thoughts, please comment.x
()
x