Skip to main content
Blogs

Bakit Hindi Pinagdiriwang ng Muslim ang Pasko at New Year?

𝘚𝘢 𝘕𝘨𝘢𝘭𝘢𝘯 𝘯𝘪 𝘈𝘭𝘭𝘢𝘩 𝘢𝘯𝘨 𝘔𝘢𝘩𝘢𝘣𝘢𝘨𝘪𝘯, 𝘔𝘢𝘢𝘸𝘢𝘪𝘯

Maraming pagsubok ang hinaharap ng isang bagong Muslim na nagnanais ipamuhay nang ganap ang kanyang Pananampalataya. Sa bawat aspeto ng kanyang pakikisalamuha sa iba – kanyang pamilya, kamag-anak, trabaho, pag-aaral, at lipunan sa kabuuan – lahat ay nagbibigay ng iba’t ibang antas ng pagsubok na siyang susukat sa pagnanais ng isang bagong Muslim na magpaka-“Muslim” hindi lamang sa pagpapalit ng pangalan at katibayang-papel na pinanghahawakan.

Dahil bago pa lamang sa Islam, ang isang bagong yakap ay nagpapalakas at nagpapatatag ng kanyang Eemaan sa pamamagitan ng pagwawaksi – sa pangkalahatan sa paraang dahan-dahan – ang mga nakagawiang ugali, tradisyon, rituwal, at iba pang gawain na taliwas sa Pananampalataya.

Isa sa mga naka-ugaliang pagdiriwang na kalimitang nahihirapan alisin o mailayo ang sarili ng isang bagong Muslim ay ang pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon. May ilang mga kapatid na Muslim, na bagamat matagal na sa Islam at ang iba ay mga “born” Muslim na nakikisaya, nakiki-isa, at nakikipagdiwang sa mga Kristiyanong kamag-anak o kakilala.

Ang panahong ito ay pagkakataon para sa isang bagong Muslim na mapatibay at mapatatag ang kanyang Pananampalataya. Dito masusubok ang kadalisayan ng layunin sa likod ng kanyang pagmu-Muslim. Ito ang oras kung saan nararapat na panghawakan ng mahigpit ang Paniniwala, itaguyod ito, ipagmalaki at huwag ikahiya.

Upang magawa ito, ilang bagay ang nararapat isa-isip at isa-puso ng bawat isang Muslim:

1. Alamin na ang Islam ay kumpleto na at ganap. Saan mang larangan ng buhay ng tao, ito ay sakop at pinamamahalaan ng Islam. Anumang bagay na may kinalaman sa Batas at Pagsamba ay naipahayag nang lubusan sa Huling Sugo ﷺ. Sinabi ni Allah:

{ اليوم أكملت لكم دينكم وأتممت عليكم نعمتي ورضيت لكم الإسلام ديناً }
“Sa Araw na ito ay kinumpleto Ko para sa inyo ang inyong Relihiyon at ginawang-ganap ang Aking Biyaya para sa inyo at kinalugdan ang Islam bilang inyong Relihiyon.”

Kaya anumang mga pagdiriwang o kapistahan na walang basehan sa Kapahayagan – ang Qur’an at Sunnah – ay walang puwang sa buhay ng isang Muslim – ito man ay dati niyang ginagawa sa dating Paniniwala.

2. Anumang gawain hinggil sa Pagsamba ang “bago” o “imbento” ng tao – anuman ang kanyang kalagayan – ay hindi tatanggapin mula sa kanya, bagkus, maaari pang maging sanhi ng kapighatian at parusa. Sinabi ng Sugo ﷺ:

(من أحدث في أمرنا هذا ما ليس منه فهو رد)
“Sinuman ang gumawa ng mga panibagong-gawain (pagsamba) sa bagay na ito (Islam)
na hindi naman kabilang rito – siya at ang gawaing yaon ay hindi tatanggapin”

𝗞𝗮𝘁𝗼𝘁𝗼𝗵𝗮𝗻𝗮𝗻, 𝗮𝗻𝗴 𝗣𝗮𝘀𝗸𝗼 𝗮𝘁 𝗕𝗮𝗴𝗼𝗻𝗴 𝗧𝗮𝗼𝗻 𝗮𝘁 𝗮𝗻𝗴 𝗽𝗮𝗴𝗱𝗶𝗿𝗶𝘄𝗮𝗻𝗴 𝗽𝗮𝗿𝗮 𝗿𝗶𝘁𝗼 𝗮𝘆 𝗵𝗶𝗻𝗱𝗶 𝗸𝗮𝗯𝗶𝗹𝗮𝗻𝗴 𝘀𝗮 𝗜𝘀𝗹𝗮𝗺.

3. Sinuman ang tumulad sa ibang mga pamayanan – kanilang gawain, rituwal, tradisyon, at paniniwala – mapapabilang na siya sa kanila dahilan upang mapaalis mula sa Relihiyong Islam. Sinabi ng Sugo ﷺ:
{ من تشبّه بقوم فهو منهم }
“Sinuman ang tumulad sa (ibang) pamayanan (hindi Muslim), siya ay kabilang na sa kanila.”

Kaya’t kung kung ang isang Muslim ay iimbitahan ng mga Kristiyano sa kanilang pagdiriwang ng Pasko o Bagong Taon, nararapat na tumanggi sa kanilang paanyaya sapagkat ang pagpapa-unlak rito ay nagpapakita ng kaluguran at kasiyahan sa kanilang pagdiriwang. Kung kaya niyang ipaliwanag ng may kapitagan at hindi nakakasakit ng damdamin – yaon ay mas mainam.

Lalong lalo na kapag mga kapamilya, kamag-anakan, o malalapit na kaibigan ang nag-aanyaya, dapat maging matatag sa paninindigan. Nararapat rin na huwag magpakita ng anumang pagkalugod sa kanilang ginagawa. Ito ay mga pili at ilang araw lamang. Kung sila man ay magalit at magdamdam – tiyak na lilipas rin yaon at makakalimutan nila. Subalit kung ang mga Batas at Panuntunan ni Allah ang nilabag kapalit ng kasiyahan ng mga tao o kahihiyan sa kanila – tunay na si Allah ay Matinding magagalit at hindi nakakalimot. Sinabi ng Sugo ﷺ:
(( من التمس رضا الله بسخط الناس رضي الله عنه وأرضى عنه الناس، ومن التمس رضا الناس بسخط الله; سخط الله عليه وأسخط عليه الناس ))

“Sinuman ang maghanap ng Kaluguran ni Allah sa (kabila nito ay magududulot ng) poot ng mga tao, malulugod sa kanya si Allah gagawin Niyang malugod rin sa kanya ang mga tao. At sinuman ang maghanap ng kaluguran ng mga tao sa (kabila nito ay magududulot ng) poot ni Allah, mapopoot sa kanya si Allah gagawin Niyang mapoot rin sa kanya ang mga tao.”

May mga kapatid na mas pinipili na umalis sa kanilang mga lugar sa mga araw na ito upang mailayo ang sarili sa imbitasyon ng mga Kristiyano. Iyo ay maaari ring gawin. Nagsasagawa rin ng pag-aaral at pagtitipon ang mga Muslim ng walang halong saya at paghahanda. Isang pangkaraniwang araw lamang.

Subalit sa mga hindi makaalis ng kanilang tahanan, marapat na ipaunawa ng mabuti na ang mga Muslim ay hindi nagdiriwang ng anumang kapistahan o kaarawan maliban sa dalawang Eid. Ito ay bilang pagsunod sa panuntunan ng Pananampalataya. Kung sila man ay nagdiriwang bilang pagsunod sa kanilang relihiyon – ang pag-iwas at pagtanggi naman natin sa kanila ay bilang pagsunod rin sa ating relihiyon. Magkakaroon ng paggalang at pag-unawa sa isa’t isa. Ang paggalang ay nagbubunga rin ng paggalang.
Sa ganitong paraan insha’a allah ay maipapakita natin ang ating tunay na pagka-muslim nang hindi nakasakit ng damdamin ng iba. Nararapat lamang na ang pagtanggi ay sa kabuuang anyo nito – lahat ng paanyaya sa kasiyahan, gawain, pagbati, regalo, o pagkain man ay nararapat na tanggihan.

At ito ang Panuntunan ng ating Pananampalataya. Nawa ay patibayin tayong lahat – bago man o matagal na sa Islam – ni Allah sa Kanyang relihiyon. Ameen

#NewMuslimPH
www.NewMuslimAcademy.ph
Basahin sa Facebook….

o.m@newmuslimacademy.ph

Kami po ang kasama ninyo pag katapos ng Shahadah ! Kung may katanungan mag email lang po sa [email protected]

Subscribe
Notify of
0 Comments
Oldest
Newest Most Voted
Inline Feedbacks
View all comments
0
Would love your thoughts, please comment.x
()
x